Totoo nga!
"Maski naman sa tunay na buhay, sagot ng Writer, ilang love stories ba ang nagwawakas nang masaya?
Pero iba't iba naman ang ibig sabihin ng masaya, sagot ni Sandra." -Para kay B, Ricky Lee
Noong kinuha ko yung nobela ni Ricky Lee na Para kay B sa shelf ng Filipiniana section ng National Bookstore, dalawa lang yung rason. Una, yun yung nobelang binabasa ng karamihan sa mga blockmates ko ngayon. Nakakacurious kung bakit pare-pareho silang nasasawi pag naririnig nila yung pamagat ng nobelang yan. Pangalawa, yun lang yung filipino book na hindi wattpad novel na hindi duduguin yung ilong ko pag binasa ko. Naghahanap lang naman ako ng chill na babasahin. Karamihan kasi ng mga librong nandun, mga klasikong akda na malamang sa malamang, nabasa ko na para sa klase noong high school ako.
Sa awa ng Diyos, ngayon ko lang natapos. Mga kalahating taon yata naburo sa shelf ko. Grabe, sana pala hindi ko na hinyaang maburo doon. Ang ganda kasi. At unique ito sa napakaraming aspeto.
Kakaiba ang paraan ng pagkakasulat ng akdang ito. Binubuo ito ng limang maikling kuwento. Pero di natatapos dun ang pagiging kakaiba nito. Sa una, akala mo ay hiwa-hiwalay ang mga kuwento pero sa kalagitnaan, makikita mo ang kakaibang pagbibigay ng manunulat ng buhay sa mga tauhan ng kuwento. Aaminin ko, medyo naguluhan ako sa parteng iyun dahil para bang maghahalo-halo ang iyong mga nabasa sa iyong mga binabasa sa akda at hindi mo na magets kung paano nangyari yun o kung bakit ganoon ang nangyayari. Pero dahil sa kakaibang pagkakasulat ng akda, mas lalo pa itong naging makulay at exciting. Kakaiba na nga ang mga tauhan personality and life-story wise, mas naging kakaiba pa sila dahil sa pagkakamanipulate at pagkakagamit sa kanila ng awtor!
Noong unang hati ng libro, medyo hindi pa ako ganoong ka-excited na ituloy ang libro. Pero woah, nung nagsimula na lumabas ang totoong pagka-unique ng nobela, hala siya, wala pang tatlong oras, tapos ko na at nalaman ko na kung sino ang nag-iisang naging matagumpay ang pag-ibig.
Kung naghahanap ka ng librong madaling basahin pero paglalaruan pa rin ang utak mo, and at the same time kung gusto mo ng extra kilig at sawi, ito na yata ang nobelang hinahanap mo.
Ngunit kung game ka na talagang basahin ang nobelang ito matapos basahin ang mga nakasulat diyan sa itaas gusto kong malaman mo na hindi porket tungkol sa quota ng pag-ibig yan ay tungkol lang ang nobelang ito sa kung sino ang magiging masaya o kung sino ang magiging heart broken sa dulo ng libro. Ang katotohanan ay tungkol ito sa pag-ibig, sa kung paano umibig, at sa kung ano nga ba ang matagumpay o masayang pag-ibig. Sa librong ito, ikaw ang magdedesisyon: Kailangan ba ng tagumpay sa pag-ibig upang masabing ikaw ay tunay na umibig?
Yun lamang. Ititigil ko na ang pagbabasa ng mga love-sick na libro ngayong holiday season.
Maligayang Pasko at Manigong Bagong taon! :)
-Mic