Hindi ako masyadong nagbabasa ng tagalog na akda. Pero buhat noong tinawag ako upang kunin ang kursong Malikhaing Pagsulat, sinigurado ko na bago matapos ang bakasyon ay magbabasa ako ng aklat na sinulat sa wikang tagalog.
Kakatapos lang ng baccalaureate mass namin noon at pinuntahan ko, kasama ng dalawa ko pang kaibigan, ang aking guro sa ingles. Binigyan niya kami ng tig-iisang regalong nakabalot sa manila paper. Binuksan ko ang regalo pagkasakay ko sa kotse at laking gulat ko na binigyan niya ako ng akdang tagalog. Tsaka ko nalaman na binigyan niya pala kaming magkakaibigan ng iba’t ibang akdang makakatulong sa amin sa kolehiyo.
Ang akdang binigay sa akin ng guro ko sa Ingles bilang regalo sa pagtatapos ay Dugo sa Bukang- Liwayway ni Rogelio Sicat.Nakakatuwa dahil guro ko siya sa Ingles pero hinihikayat niya rin kami na matuto parin ng sariling wikang Filipino.
Mahilig akong magbasa ng mga mainstream na babasahin. Young Adult, Coming of Age, Chick Lit… sabihin mo ang pamagat at malamang ay may maari akong sabihin tungkol diyan. Unang tagalog/filipino book ko ito (maliban sa Noli at Fili) kaya naman medyo nakakapanibago nang binabasa ko ang librong ito.
Ang istorya nito ay tila istorya na ng teleseryeng mapapanood mo sa gabi. Naapi’t naghihirap ang bida, at bawal ang pag-iibigan ng babaeng iniibig nito… Ikaw Lamang ng ABS-CBN? Malakas ang aking kutob na sa akdang ito hango ang kuwento ng nasabing teleserye.
Sa ganda nga naman ng pagkakasalaysay ng akda, sino nga naman ang hindi makakaisip na pagkuhanan ito ng inspirasyon?
Malalim, may pinanghuhugutan, simple, at madaling sundan ang istorya. Maganda at makinis ang pagkakasalaysay ng kuwento. Kakaiba ito hindi dahil sa kanyang istorya, kundi dahil may boses ang akdang may nais sabihin, at nasasabi ito ng malinaw at malakas.